Saturday, April 11, 2009

Holy cow...2 more celebs in hot water in Boracay

Reposted from PEP...

Pagkatapos ng robbery case na isinampa ng isang security guard laban sa model-actor na si Andrew Wolff at sabunutan sa pagitan ng dating Bb. Pilipinas-World na si Danielle CastaƱo at ng isang residente ng Boracay, isa na namang gulo ang naganap sa Boracay Island kung saan may kasangkot na namang celebrities.

Ayon sa report na nakuha ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kaninang hapon, April 9, bandang ala-una y medya ay nasangkot sa gulo ang mga SexBomb members na sina Rochelle Pangilinan at Aifah Medina.

Nangyari diumano ang insidente sa Crystal Sand Resort sa Boracay. Nag-umpisa raw ang gulo nang magpatugtog ng music sina Rochelle at Aifa, kasama ang kanilang kaibigan na kinilalang si Michelle Divaraz.

Malakas daw ang pagpapatugtog ng grupo nina Rochelle kaya nagreklamo at nagsalita ang customer na si Joshua Calixto Formentira na naroroon sila sa Boracay para magpahinga.

Nang tumalikod si Joshua, narinig daw nito na may nagsabi na "bakla" siya. Ang akala ni Joshua, si Aifah ang nagsalita kaya hinarap niya ang SexBomb member.

Sa statement ni Michelle sa imbestigador ng kaso, akmang babatuhin daw ni Joshua ng bottled water si Aifah kaya bilang depensa, binato ng baso ng dancer sa mukha ang lalake. Inamin ni Michelle na siya at hindi si Aifah ang nagbitaw ng salita na ikinagalit ni Joshua.

Ang mga empleyado ng Crystal Sand Resort ang umawat sa mga nag-aaway. Dinala sa isang clinic sa Boracay si Joshua dahil kinailangang tahiin ang mga sugat niya sa mukha. Nagpunta naman sina Rochelle, Aifah, at Michelle sa Boracay Police Station para pormal na ibigay ang kanilang mga panig tungkol sa naganap na kaguluhan.

Mapapanood sa Showbiz Central sa Easter Sunday, April 12, ang imbestigasyon at full account ng naganap na gulo dahil nainterbyu nina Malou Tibayan at Chot Salao ng Showbiz Central ang mga sangkot sa gulo. - Philippine Entertainment Portal

No comments:

Post a Comment